“MARTIAL LAW: Solusyon o Problema?”


“MARTIAL LAW: Solusyon o Problema?”
ni John Allen Ramilo



          Noong Mayo 23, 2017, ipinatupad ni Duterte ang Martial Law sa Mindanao dahil sa giyerang nangyayari sa Marawi. Ang Martial Law o Batas Militar ay ipinatupad ni Duterte dahil sa kalagayan ng Marawi noong mga panahon na iyon. Umaasa ang mga tao na matatapos na ang giyera sa Marawi nang dahil sa Martial Law. Ang Martial Law ay mas mahigpit pa sa Civil Law at ang lumabag sa batas ay may mas matinding parusa. Ito ay idinedeklara lamang ng pangulo kapag ito ay sinangayunan ng mga mambabatas. Dito sa Pilipinas, dalawa pa lamang ang pangulong nagpatupad nito: si Ferdinand Marcos at ang kasalukuyang pangulo na si Rodrigo Roa Duterte. Bilang tugon sa giyerang naganap noon, si Duterte ay nagpatupad ng Martial Law na tatagal hanggang sa katapusan ng 2018.

          Bagamat maraming Pilipino ang sang-ayon dito, hindi pa rin tayo sigurado kung ito ba talaga ang tamang solusyon sa tuwing magkakaroon ng masamang pangyayari sa bansa. Maraming karapatang pantao ang nalalabag ng batas kaya marami din ang mga taong naghihinaing sa ating gobyerno sapagkat naniniwala sila na hindi ito ang tamang paraan ng pagbibigay disiplina sa mga tao. Maraming tao ang may kanya-kanyang panig ukol sa Martial Law ngunit mas marami ang mga taong naniniwala na hindi ito dapat ipatupad muli sapagkat ito ay labag sa karapatan ng mga tao. Bagamat hindi pinagusapan ng kasalukuyang pangulo ang Martial Law noong nakaraang SONA, wala pa din siyang nasasabi hanggang ngayon ukol sa pagpapatupad at pagpapatagal ng Martial Law sa Mindanao. Maraming tao kasama na din ang ilang kawali ng gobyerno ang nadismaya dahil sa kakulangan ng atensyon na binigay ng ating kasalukuyang pangulo tungkol sa Martial Law sa Mindanao.

          Ngunit, bilang isang ordinaryong estudyante na nag-aaral sa Liceo de Los Baños, naniniwala ako na ang Martial Law ang hindi solusyon sa mga mahihigpit na problema. Naniniwala ako na may mas maganda pang paraan upang madisiplina ang mga mamamayang Pilipino. Hindi kailangang labagin ang karapatang pantao para lamang magkaroon ng kapayapaan. Maraming mamamayan ang nabubulag sa katotohanan sapagkat marami sa mga Pilipino ang hindi man lang maalam tumingin ng patunay sa internet o kaya ay madali silang mapaniwala kahit na wala tayo masyadong alam sa mga usapin. Nakakalungkot isipin na isa ang Pilipinas sa mga hindi mapayapang bansa pero kahit na ganito ang estado ng ating bansa ngayon, hindi pa din Martial Law ang tunay na solusyon sa problema nating ito.

          Maganda ang layunin ng pangulo natin ngayon na magkaroon ng kapayapaan sa buong Pilipinas. Subalit, naniniwala ako na ang Martial Law ay labag sa karapatang pantao at magiging isa lamang sa problema ng mga mamamayang Pilipino.
     

Comments